Pinabulaanan ni PNP Director For Police Comunity Relations (DPCR) at acting spokesperson Maj. Gen. Benigno Durana Jr. ang mga ulat na kumakalat sa social media na may kautusan ang pamunuan ng PNP na i-lock down ang NCR.
Binigyang diin ni Durana na tanging ang NDRRMC lang ang may authority na mag-isyu ng lockdown order.
Ginawa ni Durana ang paglilinaw, matapos kumalat sa social ang isang memo patungkol sa umano’y pagpupulong na pinatawag ng PNP para pagplanuhan ang lockdown sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa umiiral na sitwasyon sa COVID-19 sa NCR.
Sinabi ni Durana, standard operating procedure (SOP) sa PNP na maghanda sa anumang posibleng mga ipatutupad na mga hakbang.
“It is SOP in the PNP to prepare for all possible scenarios,” ani Durana.
Kanina ay nakatakda sanang magsagawa ng press conference ang DOH kaugnay ng napag-usapan sa pagpupulong sa Department of Defense ng Inter-Agency Task force on Emerging Infectious Diseases.
Pero kinansela ang presscon sa huling sandali at sinabi ng mga opisyal na gusto munang makausap ng Pangulo ang mga miyembro ng task force bago magpalabas ng anumang announcement.