-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na wala silang kinalaman sa mga tarpaulin na ikinabit sa ilang lugar sa Maynila kung saan nakasaad na persona non grata ang CPP-NPA-NDF.


Ayon kay PNP Chief, Gen Camilo Cascolan, hindi sila ang nagkabit ng tarpaulin kahit pa naroon ang kanilang logo.

Sinabi ni Cascolan, kung sino mang grupo ang nagkabit ng tarpaulin ay posibleng sinusuportahan lang nito ang adhikain ng pamahalaan na wakasan na ang insurgency sa bansa.

Naniniwala rin si Cascolan na epektibo ang programa ng pamahalaan partikular ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (ELCAC) dahil may positibong reaksiyon mula sa tumbayan sa nasabing programa ng pamahalaan.

Marami na aniyang mga komunidad ang nagtatakwil sa NPA sa kilang mga lugar dahil mas gusto nilang mamuhay ng tahimik upang umusbong ang pag-unlad sa kanilang komunidad.

Sa kabilang dako, pinagtatanggal ni Manila Mayor Isko Moreno ang anti-communist tarpaulin dahil hindi matukoy kung anong grupo ang naglagay nito.