DAGUPAN CITY- Itinanggi ng Urdaneta City Pnp na may pagawaan ng shabu sa bayan na kanilang nasasakupan.
Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto sa apat na Chinese nationals matapos makuhanan ng P124 milyong halaga ng shabu sa nabanggit na syudad.
Ayon kay Police Lt. Col John Guiagui, hepe ng Urdaneta Police Station, wala umanong pagawaan ng shabu sa lungsod. Araw araw aniyang nag iikot sa buong lugar ang kanilang mga pulis kung kaya’t nakakasiguro umano silang malinis ang syudad ng Urdaneta sa illigal na aktibidad.
Paliwanag pa nito, ang pagkakahuli sa apat na dayuhang intsik na sangkot sa droga ay hindi umano nangangahulugan na nababalot na rin ng iligal na aktibidad ang Urdaneta. Aniya, naging ‘repacking stage’ lamang nila ang lungsod taliwas sa paniniwala ng iba na may drug laboratory na sa lugar.
Una rito naaresto ang apat na Chinese nationals na sila Lu Jun, Zuo Sheng Li, Li Yu at Ye Ling matapos makuhanan ng P124 milyong halaga ng shabu.