-- Advertisements --
prank vlogger legazpi
Uragon vlogger/ Marlon De Vera

LEGAZPI CITY – Mismong ang Legazpi PNP na ang nagsampa ng kaso laban sa 2019 nCoV prankster sa pamamagitan ng regular filing sa City Prosecutor’s Office sa lungsod ng Legazpi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provicial Police Office spokesperson Capt. Dexter Panganiban, pormal na nilang sinampahan ng criminal complaint na alarm and scandal ang suspek na si Marlon de Vera o mas kilala sa tawag na Uragon Vlogger.

Ito ang sa kabila ng pagkakaareglo sa pagitan ng management ng mall ng lungsod at ni De Vera.

Si De Vera na naging sentro ng iskandalo ang kontrobersiyal na video ay una nang humingi ng kapatawaran kasabay nang pag-amin sa kasalanan.

Paliwanag naman ni Panganiban, itinuloy nila ang pagsampa ng kaso para hindi na pamarisan ng iba dahil seryosong usapin ang novel coronavirus.

Binigyang-diin naman ni Panganiban na maging aral sa lahat ang nangyari kay De Vera dahil pwede itong mauwi sa anuman na insidente at magdulot ng panic sa publiko.

Samantala, agad naman aniyang aarestuhin ng mga otoridad ang mga nagbabalak pang magsagawa ng kagayang prank sa publiko.