Pangungunahan ni Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson ang pagpupulong ngayong pangalawang araw ng January 2022 ng liderato ng PNP-JTF COVID Shield (Philippine National Police-Joint Task Force Coronavirus Disease Shield).
Mismong si Dickson ang nagpatawag ng emergency meeting kasunod nang anunsiyo ng pagbabalik sa Alert Level 3 ng National Capital Region (NCR) bukas, January 3, Lunes.
Ayon kay Lt.Gen. Dickson, pag-uusapan nila ang mga gagawing hakbang ng PNP hinggil sa pagtaas ng alert level status ng Metro Manila.
“Pag-uusapan namin today dahil may sched ako ng JTF Covid Shield ng coordinating conference,” mensahe ni Lt. Gen. Dickson sa Bombo Radyo.
Ayon naman kay PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba, sa nasabing pulong ay isasapinal ng pambansang pulisya ang latag ng seguridad batay sa kanilang pagtaya at ang ipapatupad na protocol na naaayon sa Alert Level 3.
Layon nito na maiwasan ang mas pagdami ng COVID-19 infection lalo na ang bagong Omicron variant.
Anuman aniya ang magiging panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF), nakahandang tumalima ang PNP kasabay ng pagbabalanse ng isyu sa kalusugan, seguridad at pagbuhay sa ekonomiya ng bansa.
Nakatuon din ang PNP sa paghihigpit sa ilalim ng panuntunan ng IATF sa Level 3 status kabilang dito ang ilang pagbabawal muli gaya ng face-to-face classes, gayundin sa mga karaoke bars at indoor entertainment, operasyon ng amusement venue para sa mga bata, mga gathering o pagtitipon ng mga hindi miyembro ng pamilya, casino, karera ng kabayo at sabong, at “contact sports” maliban sa “bubble type” set up.
Samantala, muling siniguro ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na istrikto nilang ipapatupad ang quarantine restrictions at ang pagsunod sa minimum public health standard.
“Our mandate is to make sure that the restrictions are properly implemented. We will cosely coordinate with the IATF and the LGUs as well,” pahayag pa ng PNP chief.