LAOAG CITY – Isinampa na ng Philippine National Police (PNP) ang kasong double reckless imprudence resulting in homicide laban sa Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC).
Ito ay dahil pa rin sa pagkamatay ng dalawang lineman ng INEC na sina Talio Portela at Marcon Dumion matapos makuryente habang nasa itaas ng poste sa bayan ng San Nicolas.
Ayon kay Major Paul Benedict Parado, hepe ng PNP-San Nicolas, isinampa nila ang naturang kaso dahil base sa kanilang imbestigasyon ay may pananagutan ang INEC at may star witness umanong lumutang na magdidiin sa kooperatiba.
Sinabi nito na representante ng INEC ang general manager na si Engr. Herbert Agdigos, Jerry Escalona at Errol Franco dahil sila umano ang frontliner ng insidente.
Haharap aniya ang star witness sa korte at umaasa ang PNP na maipupursige ang kaso laban sa mga tatlong personalidad.
Dagdag pa nito, kahit matagal nang nangyari ang insidente ay sininguro nilang hindi nila titigilan para makamit ang hustisya sa pagkamatay ng dalawang lineman.
Maalala na habang nasa itaas pa ng poste ng koryente ang dalawang biktima ay agad na naibalik ang koryente na naging dahilan ng kanilang kamatayan.