-- Advertisements --
PNP

Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa iminumungkahing mas mahigpit na parusa para sa mga taong masasangkot sa road rage incident.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ang pagpapatibay ng batas na magpapataw ng matinding parusa ay mapipigilan ang mga hot-headed o mainitin ang ulo na motorista na makapanakit ng kapwa motorista.

Sinabi ni Sen. JV Ejercito na ang pagpapatibay ng batas laban sa road rage ay mahahadlangan ang pang-aabuso.

Sa ngayon ay naidokumento na ng pulisya ang ilang mga kaso ng road rage, ang pinakahuli ay ang kinasasangkutan ng dinismiss na pulis na si Wilfredo Gonzales, na bumunot ng baril at nagbanta sa isang siklista sa Quezon City noong Agosto 8.

Nangyari rin ang isa pang insidente sa Valenzuela City noong Agosto 19, kung saan humawak ng baril ang isang Toyota Fortuner driver nang lapitan niya ang isang taxi driver.

Binawi ng PNP Firearms and Explosives Office ang lisensya ng baril ng hindi pinangalanang motorista.

Nararapat na isuko ng motorista ang kanyang baril sa pulis.

Kung tatanggi siyang sumunod, ayon kay Fajardo ang driver ay maaaring kasuhan ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.