Kinilala kaninang umaga ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga makabagong pulis na nagbigay ng positibong kontribusyon sa kanilang hanay.
Ito’y sa kabila ng kontrobersya na hinaharap ngayon ng PNP dahil sa isyu ng extra-judicial killings na ipinupukol sa kanila dahil sa kontra-droga ng pamahalaan.
Kabilang sa pinarangalan sina PO3 Joselito Lantano ng PNP Police Security And Protection Group, PO2 Carolina Del Rosario at PO1 Randy Del Rosario at Arce James Saique mula sa Malate Police Station.
Si PO3 Lantano ang off-duty na pulis na rumesponde sa isang robbery holdap na naganap sa loob ng isang pampasaherong bus na nag resulta ng pagkasawi ng isa sa mga suspek matapos makipagbarilan ito.
Naging viral ang kabayanihan ni Lantano makaraang kumalat ito sa social media at umani ng mahigit 100,000 na views.
Samantala, isang sanggol naman ang nailigtas sa Manila Bay nina PO2 Carolina Del Rosario, PO1 Randy Del Rosario at PO1 Arce James Saique mula sa pagkakalunod ng sariling ina na hindi umano ay nakadroga.
Sa ngayon, nasampahan na ng kaukulang kaso ang ina ng sanggol at nasa pangangalaga na ng Department of Social and Welfare Development ang bata.
Ikinatuwa naman ni PNP chief Ronald dela Rosa ang kabayanihan ng mga naturang pulis at nagpaalala sa mga ito na magdoble ingat dahil hindi sa lahat ng laban ay sila ay panalo.
Si Lantana ay umangat ang ranggo sa PO3 mula PO2 at magkakaroon ng dagdag sweldo, habang dagdag sahod din ang tatanggapin ng 3 iba pang pulis.