Kinilala ng Philippine National Police ang naging papel ng Armed Forces of the Philippines sa tuluyang paglutang ni Apollo Quiboloy, ang founder ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon sa PNP, naging instrumento ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) para magtagumpay ang naunang nangyaring negosasyon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at kampo ni Quiboloy.
Sa tulong aniya ng PNP Intelligence Group (IG) at ISAFP, naging mapayapa ang negosasyon at maayos ngang napasuko ang matagal nang nagtatagong pastor, kasama ang mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemanes.
Maalalang pinili ng AFP na hindi na magkomento sa naging pagsuko ng grupo ni Quiboloy at hinayaan na lamang ang PNP na magbigay ng komento.
Para sa AFP, sumusuporta lamang ito sa PNP na siyang pangunahing law enforcement agency ng bansa.
Maalalang ilan sa mga pinangalanan ni KOJC legal counsel Atty Israelito Torreon ay mga high ranking officials ng AFP tulad nina Army Major General Allan Hambala, Colonel Guilbert Roy Ruiz, Lieutenant Colonel Jovily Carmel Cabading, Lieutenant Colonel Pete Malaluan, at Lieutenant Colonel Ricardo “Ray” Garcia.