-- Advertisements --

Nagbigay-pugay ang Philippine National Police sa naging kabayanihan ng bawat miyembro ng kapulisan na handang magsakripisyo ng kanilang sailing buhay para sa pagtupad sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Ito ang naging mensahe ng Pambansang Pulisya sa katauhan ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo ngayong araw ng paggunita sa ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.

Punto ni Fajardo, ang araw na ito ay hindi lamang pag-alaala sa mga bayani ng nakaraang kundi pagkilala na rin aniya at pagbibigay-pugay sa kapulisan na walang sawang naglilingkod para sa bayan.

Kasabay nito ay muli rin binigyang-diin ng opisyal ang ibinahaging mensahe ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil sa buong hanay ng pulisya na palaging piliin na gumawa ng tama at patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad at dedikasyon para sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.