Kinondena na rin ng Philippine National Police (PNP) ang pananambang ng mga umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Borongan, Eastern Samar.
Sa pahayag ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na ang pag-atake ay indikasyon na hindi sinsero ang NPA sa pagpapanumbalik ng kapayapaan kasama ang gobyerno.
“This only shows the insincerity of the CPP-NPA to give peace a chance,” saad ni Banac.
Siniguro ni Banac na hindi hahayaan ng PNP na lumipas lamang ang insidente nang walang ginagawang aksyon para mapanagot ang mga responsable sa krimen.
Nagparating din ng pakikiramay ang opisyal sa pamilya ng mga biktima.
“We extend our deepest condolences to the bereaved families of the deceased while we assure care for the wounded,” ani Banac.
Siniguro rin nito na patuloy na aalagaan ang mga biktima na patuloy na nagpapagamot sa ospital.
Pinuri rin ng opisyal ang mga sibilyan na agad na rumesponde sa mga sugatan sa kabila ng panganib.
“We express our gratitude to the nameless private citizens who rushed to the aid of the victims unmindful of their own safety from the internationally-outlawed landmines laid by the terrorists,” anang opisyal.