-- Advertisements --

Mariing kinontra ng Philippine National Police ang naunang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na wala umanong mga pulis ang napabayaan sa ilalim ng kanyang nakalipas na administrasyon.

Ang mga pulis na tinukoy ng dating pangulo ay kabilang sa mga operasyon kontra ilegal na droga sa ilalim ng war on drugs.

Ayon sa Philippine National Police , hindi totoo ang naging statement ni Duterte batay na rin sa mga datos na kanilang naitala.

Sa katunayan, batay sa datos ng Directorate for Personnel and Records Management ,aabot sa mahigit 1,000 pulisya ang mag-isang hinarap ang mga kasong inihain laban sa kanila dahil sa pagsunod lamang sa mandato noon.

Sugatan rin sa mga ikinasang operasyon noon ang aabot sa 975 na pulis habang 300 na pulis ang kinasuhan dahil sa pagkakasangkot sa umano’y mga iregularidad.

Una nang nanawagan ng suporta si PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil para sa mga pulis na hirap na harapin ang kanilang mga kaso kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, karamihan sa mga ito ay kailangan ng legal na suporta o abogado para umusad ang kaso.

Sa pagharap ng dating pangulo sa ika-11 pagdinig ng Quad Committee sa Kamara, sinabi nito na hindi dapat paniwalaan ang ginawang mga pahayag ng kasalukuyang hepe ng pambansang pulisya.