CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakdang kunin ng PNP ang serbisyo ng mga eksperto mula sa ibang bansa upang makatulong sa imbestigasyon tungkol sa pagbagsak ng helicopter na sinakyan ni PNP Chief Archie Gamboa at ng iba pang mga opisyal sa lungsod ng San Pedro, Laguna kamakailan.
Ito ay kahit mayroong tatlong anggulo nang sinisilip ang Special Investigation Task Group (SITG) tungkol sa insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office (PRO)-10 Director, PBGen. Rolando Anduyan, kahit nagsimula na ang SITG sa kanilang trabaho, pero nangangailangan pa rin umano sila ng ibang “expert minds” upang matukoy ang puno’t dulo ng trahedya.
Inihayag ni Anduyan na kabilang sa gusto ni Gamboa ay mag-imbestiga rin ang Bell Helicopter and Korea Aerospace Industries dahil ito ang may mga sapat na kaalaman sa kanilang mga produkto.