-- Advertisements --

Papayagan na rin ang mga non-authorized persons outside of residence (APOR) na maghatid-sundo hindi lang sa Health workers, kundi sa lahat ng essential workers.

Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar matapos na humingi ng guidance sa National Task Force kaugnay ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR simula bukas August 6 hanggang sa Agosto 20.

Para makadaan sa Quarantine Control Points (QCP) ang mga Non-APOR drivers, kailangan lang nilang magprisinta ng Certificate of employment ng kanilang susunduing essential worker.

Dapat naka-lagay din sa certificate ang pangalan ng driver, modelo at plate number ng sasakyan, at Contact number ng Employer.

Kailangan ding may kopya ng Business permit ng employer na maipakita ang driver.

Kung mga Health workers naman ang susunduin, una nang sinabi ni Eleazar na ID lang ng Health worker ang kailangang ipakita ng mga non-APOR na driver.

Sa kabilang dako, makalalabas pa rin ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na hindi pa natuturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Ito ang nilinaw ni PNP chief matapos dumagsa sa mga vaccination site ang mga APOR sa pangambang di sila makalalabas kung hindi pa nababakunahan.

Hindi anya requirement sa paglabas ang bakuna sa panahon na umiiral ang lockdown.

Bukas ay iiral na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng banta ng Delta variant ng COVID-19.