BACOLOD CITY – Kinwestiyon ng miyembro ng Otso Diretso ang Philippine National Police (PNP) dahil kaagad nilang pinayagan na makapagsalita si Peter Advincula o self-confessed na si Bikoy sa harap ng media kasunod sa pagsuko nito sa Camp Crame.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay outgoing Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano, tinawag nito ang PNP na “atat na atat†o nagmamadali na pahaharapin si Advincula sa press conference kahit wala pa sila nakasagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Alejano, dapat munang inimbistigahan, at iprinoseso ang mga impormasyon at sinampahan ng kaso bago pinaharap sa media ng mga kapulisan si Advincula.
Aniya, kamakailan lang inihayag ng pulisya na walang kridibilidad si Advincula dahil sa mga patutsada nito sa administrasyon ngunit nang idiniin na nito ang oposisyon, saka na nagpahayag ang kapulisan na mayroon ng kridibilidad si self-confessed Bikoy.
Dagdag pa ni Alejano, ipinakita lang ng PNP kung gaano raw sila “ka-bias†sa kanilang tungkulin.