CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakdang sampahan ng kasong lard scale estafa ang isang dating empleyado ng Cagayan de Oro city hall matapos umanong mambiktima ng mga senior citizen sa ilalim ng pinaghihinalaang investment scam.
Batay sa ulat, inireklamo ng ilang matanda si Sheilla Nellies, 62, dahil sa pangongolekta umano ng P300 na membership fee kapalit ng benepisyo sa Orient International Marian Workers Missionary Foundation Corporation.
Ayon kay Staff Master Sgt. Niel Delas Alas, investigator ng Cogon Municipal Police, nangako ang grupo na dodoble hanggang P12,000 kada buwan ang pensyon ng mga magbabayad ng membership fee.
Bukod dito may ibinida rin daw na lote, bahay at debit card na may lamang P2-milyon ang mga ito dahil may koneksyon daw sila sa World Bank at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Nauna ng sinugod ng pulisya ang tanggapan ng kompanya na siyang ikinagalit umano ng may-ari na si Engr. Manuel Montarde.
Iginiit daw kasi nito na lehitimo ang kanilang operasyon.