Kasabay ng inaasahang maraming bilang ng mga katoliko na makikiia sa tradisyunal na 9 na Simbang gabi, papaigtingin ng Philippine National Police ang kanilang presensiya sa mga simbahan.
Ayon kay Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) public affairs commission executive secretary Father Jerome Secillano, magdedeploy ng karagdagang personnel ang PNP.
Ang seguridad kasi aniya ang palaging concern ng mga nagsisimba kayat kahit na walang bombing lagi dapat aniyang nakaalerto.
Ang pahayag na ito ng opisyal ay kasunod na rin ng nangyari kamakailan na pambobomba sa kasagsagan ng misa sa isang unibersidad sa Marawi city na ikinasawi ng 4 na katao at ikinasugat ng 50 katao.
Inihayag din ng CBCP official na magsasagawa din ng pagpapatrolya ang kapulisan sa mga simbahan sa Simbang gabi.
Nakikipag-ugnayan din ang CBCP sa National Security Agency subalit hindi na idinetalye pa ang paguusap ng dalawang kampo.
Ang Simbang gabi nga o tinatawag ding Misa de Gallo ay isang taunang tradisyon ng mga Pilipino na idinaraos sa loob ng 9 na araw bago ang araw ng Pasko.