-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Dahil sa magkasunod na pagka-aresto sa mga high value target sa lalawigan ng Aklan kasama ang pagsamsam ng bulto-bulto ng shabu, magtutuloy-tuloy ang monitoring ng pulisya kontra sa illegal na droga.

Ito ay kasunod sa pagka-aresto sa isang High Value Individual (HVI) sa ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Regional at Provinvial Drug Enforcement Unit kasama ang Altavas Municipal Police Station, alas-7:00 umaga ng Lunes, kung saan nakumpiska sa suspek ang tinatayang P800,000 na halaga ng shabu.

Kinilala ni P/Lt. Ryan Batadlan , acting chief of police ng Altavas PNP ang suspek na si Japhet Tornalejo, 27, isang electrician at residente ng Jaro, Iloilo.

Inaresto ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa nagpanggap na police poseur buyer kapalit ang marked money na P22,500.

Nakumpiska sa kanya ang 12 pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga lahat ng humigit kumulang P800,000, isang bag at motorsiklong ginamit sa operasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Tornalejo na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.”

Nauna dito, matagumpay rin na naaresto ang magkapatid na Clark at Carl Tolentino at isang babae na itinuturing na mga High Value Target sa isinagawang drug buy-bust operation sa isang bahay na ginagawang drug den sa Brgy. Sta. Cruz Biga-a, Lezo, Aklan noong nakaraang linggo kung saan nakarekober sa kanila ang 18 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P550,000.

Aminado ang pulisya na unti-unting lumalaganap ang ilegal na droga sa Aklan sa kabila na halos lahat ng barangay dito ay idineklara ng drug-cleared.