Aprubado na ni Philippine National Police (PNP) Chief PolGen. Rommel Francisco Marbil ang implementasyon ng gun ban sa Metro Manila bilang parte ng security measures sa limang-araw na Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction na siyang gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ang implementasyon ng gun ban ay kasabay din ng pagapruba ng suspensyon ng permit to carry firearms outside residence na magsisimula sa Oktubre 14 hanggang Oktubre 18.
Ayon sa inilabas na memorandum ng PNP, ang pagsuspinde ng PTCFOR ay para masiguro ang seguridad ng magiging event at maiwasan ang mga fire-arm related incidents sa lugar.
Nakasaad din sa memorandum na ito ay parte ng isang comprehensive strategy para sa mas mabilis at mas magandang daloy ng conference.
Inaasahan naman nasa mahigit 4,000 na delegado mula sa 69 na mga bansa ang dadalo sa naturang event.
Nauna na dito ay kinansela na din ang mga klase sa at pasok sa gobyerno sa Maynila at Pasay ngayong Linggo at Lunes.