Isasailalim sa lifestyle check ang lahat ng mga pulis bilang tugon sa crackdown ng pamahalaan laban sa kurapsyon.
Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, partikular na isasailalim sa lifestyle check ang mga pulis na may kahina-hinalang yaman.
Bahagi rin aniya ito ng internal cleansing campaign ng PNP, para matukoy kung sino sa kanilang hanay ang possibleng sangkot sa illegal na gawain.
Paliwanag pa ni Banac, mayroon ding taunang lifestyle check na pangungunahan ng PNP-Internal Affairs Service.
Basehan aniya ng imbestigasyon ng IAS ang Statement of Assets and Liabilities na fina-file ng mga pulis sa pagtuklas kung mayroon silang tagong-yaman.
Kung mapatunayan aniya na may hindi idineklarang assets sa kanilang SALN ang mga pulis, ay mahaharap din sa karagdagang kaso ng “purgery” ang mga ito dahil sa pagsisinungaling sa kanilang SALN.
Magigunitang nabunyag sa Senate hearings na ang 13 pulis Pampanga na isinasangkot sa pagre-recycle ng droga ay sabay-sabay umanong nagsibilihan ng mga bagong SUV pagkatapos ng isang drug raid noong 2013 kung saan sinasabing mahigit 200 kilos ng shabu ang nakuha pero mahigit 30 kilos lang ang ini-report nila.