LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na may kalalagyan ang sinumang kasapi ng organisasyon na magtatangkang magpaputok ng service firearm ngayong holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Police Provincial Office Director PCol. Wilson Asueta, mahigpit ang direktiba ni Police Regional Office 5 (PRO5) Director PBGen. Anthony Alcañeses ukol dito lalo na’t hindi lalagyan ng masking tape ang dulo ng mga baril.
Inatasan na rin ang mga chief of police sa bawat unit na maiging bantayan ang posibleng indiscriminate firing dahil kasama ang mga itong mare-relieve kung sakali.
Bukod sa kasong administratibo, naghihintay rin ang criminal case para sa mga ito sakaling lumabag.
Sa kabilang dako, ipinaalala ni Asueta na hindi lamang government force ang sakop ng kautusan dahil tutok rin ng pagbabantay ang mga sibilyan.
Aniya, fully-accounted sa firearms report sa bawat area ang mga gun-owners kaya’t may mabilis ang pag-alam kung sakali mang may magpaputok ng baril.