LEGAZPI CITY – Nakasagupa ng mga tauhan ng Mobo Municipal Police Station at ng Philippine Army ang rebeldeng grupo sa Brgy Sawmill, Mobo, Masbate.
Ayon kay Police Lt. Luzanta Contreras, hepe ng Mobo PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsasagawa ng combat operation ang mga operatiba sa naturang lugar ng makasagupa ang mga armadong grupo ng pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army.
Inabot ng 15 minuto ang palitan ng putok.
Nagpapasalamat naman ang opisyal na walang nasaktan sa tropa ng gobyerno habang patuloy na binebiripika sa panig ng mga rebelde.
Narekober pa ng mga otoridad ang isang M653 rifle, dalawang M16 Rifles, isang granada, ilang mga magazines at ammunitions, ilang components ng anti-personnel mine, communication materials at isa pang terroristic propaganda materials.
Kasunod nito, mahigpit ang ginagawang monitoring ng mga otoridad sa naturang bayan lalo na ngayon na papalapit na eleksyon.
Ayon kay Contreras, naka-deploy na rin ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines upang mapanatili ang kaayusan sa lugar.