-- Advertisements --

Aminado ang pamunuan ng Pambansang Pulisya na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga namamatay sa bagong lunsad na Oplan Double Barrel Reloaded ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Police Director Augusto Marquez ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na minimal na lamang ang average killings na naitatala ngayon sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Malaki umano ang pagbabagong ito kumpara sa unang phase ng kanilang anti-drug operations noong July 2016 hanggang January 2017.

Giit ni Marquez na may mga araw na zero casualty ang naitatala ang PNP.

Pahayag ni Marquez na resulta ito sa pagiging maingat ngayon ang mga pulis sa kanilang ginagawang operasyon dahil pati pari at mga barangay official ay nakikiisa na sa kanilang mga operasyon kontra sa iligal na droga.

Samantala, 34 na na drug personalities na ang napapatay sa anti illegal drugs operation ng PNP oplan double barrel reloaded.

Batay sa datos ng PNP simula noong March 6 hanggang alas-6:00 ng umaga ngayong araw, nakapagtala ang PNP ng 1,472 na mga illegal drugs operations.

Dito ay 2,311 ang naaresto habang 9,606 ang mga sumukong drug personalities.

Umaabot naman sa 94,139 mga bahay ang nakatok na nang mga pulis.

Dalawang pulis naman ang naitatalang sugatan kaugnay sa mga ikinakasang operasyon.

Unang sinabi ni PNP chief Ronald dela Rosa na mas nagiging maingat sila ngayon sa pagsasagawa ng operasyon kaya kapansin pansin ang pagbaba ng bilang ng mga napapatay.

Tiniyak din ng PNP chief na hindi nahahaluan ng police scalawags ang mga nagsasagawa ng drug operations.