Magde-deploy na rin ang PNP Maritime Group ng kanilang sariling assets para magpatrolya sa West Philippine Sea sa kabila na limitado lamang ang kanilang mga kagamitan.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas ito ay bilang pagsuporta sa AFP sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa mula sa anumang banta.
Sinabi ni Sinas, tutulong ang PNP sa AFP sa pagbibigay ng intelligence information at intel gathering habang isinasagawa ang coastal patrols.
Sinabi naman ni PNP Maritime director B/Gen. John Mitchel Jamili, may regular silang isinasagawang maritime patrols sa coastal areas ng Region 1, Region 3, Region 4b at Palawan partikular sa mga baybaying nakaharap sa West Philippine Sea.
Sinabi pa ni Jamili na magde-deploy ang Maritime Group ng special operating units sa Pag-asa island para suportahan ang iba pang ahensya ng pamahalaan na nagbabantay sa lugar.
Pero ayon kay Jamili, karamihan sa kanilang mga sasakyan ay maliliit lang, at kailangan nila ng mas malalaking barko para tapatan ang mga barko ng China.
“So, hanggang doon lang po kami sa ngayon because we have no bigger boats but the PNP Maritime Group is very willling to patrol up to the exlusive economic zone that is why we have these wish lists to have bigger ships and also kung tutulong yung PNP MG kung kinakailangan, yes we are very willing to help in this endeavor,” pahayag ni Gen. Jamili.