BACOLOD CITY – Umaabot pa sa higit 300 ang bilang ng mga kabayo na kailangang irescue mula sa Taal Volcano Island dahil wala na silang makain matapos mabaon sa abo ang damo at iba pang pananim kasunod ng pag-alburuto ng bulkang Taal.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Patrolman Jonathan Sumagang, miyembro ng Philippine National Police Maritime Group na pumasok sa isla upang magrescue sa mga hayop, inihayag nitong prayoridad sa rescue operations ang mga kabayo na alam ng may-ari ang paglipat sa mga ito sa kabilang isla.
Ayon kay Sumagang, may team na naglilista ng may-ari at numero ng kanilang alagang hayop.
Aminado naman ito na hindi nila maisasakay sa bangka ang mga kabayo at baka na walang may-ari dahil walang mapaglagyan.
Maliban sa kabayo at baka ayon sa pulis, may naiwan ding mga aso, manok, pato at mga ibon sa isla na kailangang iligtas.
Dahil wala nang naiwang damo at iba pang pananim sa Taal Volcano Island ani Sumagang, umapela ito sa makakapag-donate ng pagkain para sa mga hayop upang madala ng rescue team na babalik doon.
Ayon kay Sumagang, kailangan nilang umalis agad sa isla dahil baka biglang pumutok ang Taal Volcano at mailalagay sa panganib ang buhay ng mga rescuers.