Mas pinaigting pa ngayon ng Philippine National Police ang kanilang isinasagawang monitoring sa iba’t-ibang online platforms at mobile application na maaarin gamitin ng mga kawatan sa ilegal na operasyon ng electronic sabong.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., inatasan na niya ang Anti-Cybercrime Group na i-take down ang lahat ng mga online sites na ginagamit sa ilegal na operation ng online sabong.
Batay sa pinakahuling datos ng Pambansang Pulisya, mayroon nang 236 websites, online pages, chat groups, at accounts ang nai-take down ng mga otoridad na resulta ng monitoring ng Anti-Cybercrim Group ng Pambansang Pulisya.
Kung maaalala, ang nagpapatuloy na crackdown ngayon ng pulisya laban sa online sabong ay kasunod ng mga ulat ng pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena noong Enero ng nakalipas na taon.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkawala ng nasa kabuuang 34 na mga sabungero, kabilang na ang isang master agent dinukot sa Laguna, at ang iba pang mga sapilitang dinakip sa Manila Arena.
Kabilang sa mga persons of interest na natukoy ng pulisya hinggil sa naturang kaso ay ang anim na security guard sa Manila arena na kasalukuyang mayroong tig-iisang milyong piso na halaga ng mga pabuya na nakapatong sa kanilang ulo para sa sinumang makakapagturo sa mga ito.