Kinumpirma ni PNP chief Oscar Albayalde na mayroon nang artist sketch ng suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo sa Zaragosa, Nueva Ecija.
Sinabi ni Albayalde na hindi pa nila mailabas sa media ang artist sketch dahil may ongoing operations laban sa mga suspek.
Dalawang araw ang hiningi ng PNP sa Region 3 para maaresto ang mga suspek at kapag hindi nila ito nahuli ay saka ito ilalabas ng PNP.
Pagtitiyak ni Albayalde na bagama’t isolated ang kaso, kanila itong tinututukan at lahat ng paraan ay kanilang ginagawa para maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon may dalawang persons of interest na tinukoy ang PRO3 sa pagpatay kay Father Nilo.
Ayon kay Police Regional Office-3 Regional Director C/Supt. Amador Corpuz may development na sila sa kaso.
Sinabi ni Corpus na may natatanggap umanong banta sa buhay si Father Nilo dahil sa pagtulong nito sa mga naaapi, gaya ng land dispute.
Personal namang nagtungo si Albayalde sa Zarargosa Police Station matapos dumalo sa Independence Day celebration sa Kawit, Cavite, para kumuha ng updates sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Iprinisinta ni Corpuz sa PNP chief ang CCTV footage na nakuha mula sa barangay hall malapit sa kapilya kung saan nagmimisa ang pari sa panahon na naganap ang krimen.
Kita sa kuha ng CCTV ang dalawang riding in tandem na patungo sa direksyon ng kapilya, at pabalik sa pinanggalinang direksyon makalipas ang ilang minuto, sa panahon na nabaril ang pari.
Ang dalawa ay itinuturing na persons of interest na ngayon ng PNP at subject ngayon ng isang manhunt operation.