Nagbigay babala ang Philippine National Police sa mga gumagawa ng video tutorials online sa paggawa ng boga ngayong papalapit na bagong taon.
Ayon kay Philippine National Police, Public Information Office Chief at spokesperson Brigadier General Jean Fajardo, mas paiigtingin ng pambansang pulisya ang cyber patrolling nito upang matunton ang mga content creators na nagtuturo sa paggawa ng boga.
Paliwanag niya, matagal na itong pinagbabawal at kasama ang boga sa listahan ng mga prohibited firecrackers na kanilang kinukumpiska.
Kung matunton man ng kapulisan ang mga gumagawa at nagpapakalat ng mga online video tutorials ng boga, tiyak na kakaharap sila sa mabibigat na kasong maaring ipataw sa kanila.
Sinabi din ng naturang tagapagsalita na maraming mga nasasabugan sa mukha at naaksidenteng mga bata dahil sa ganitong uri ng paputok.
Kaya naman nagpaalala siya sa publiko na ingatan ng mga magulang ang kanilang mga anak at huwag silang pahintulutan na gumawa o gumamit ng boga para iwas na rin sa panganib nitong dala.
Kaugnay pa rito, nabanggit din ni Philippine National Police spokesperson Brigadier General Jean Fajardo ang patungkol sa mga nakumpiska na nilang paputok.
Ibinahagi niya na ang mga kumpiskadong mapanganib na paputok ay kanilang sisirain at susunugin bago pa sumapit ang unang araw ng bagong taon.