Kinumpirma ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na may binuo na silang investigating team mula sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na siyang mag-iimbestiga sa mga naging rebelasyon ni Peter Joemel Advincula o alyas Bikoy.
Tinukoy ni Advincula ang grupo ni Sen. Antonio Trillanes IV ang nasa likod ng “Ang Totoong Narco list video.”
Ayon kay Albayalde, hangga’t hindi nagbibigay ng kaniyang extra judicial confession si Advincula, hindi makapagsisimula ang CIDG sa kanilang imbestigasyon lalo na sa mga personalidad na kaniyang binanggit.
Pero sa sandaling isumite ni alyas Bikoy ang kaniyang sworn statement agad na gagalaw ang investigating team ng CIDG.
Sa ngayon, nakalaya na si Advincula matapos makapagbayad ng piyansa subalit hindi naman ito nagbigay ng kaniyang extra judicial confession.
Gayunman, nangako naman si Advincula na babalik ito sa Camp Crame.
Kumpiyansa naman ang PNP na tototohanin ni Advincula ang kayang pangako.