-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief  Oscar Albayalde na magsasagawa sila ng “case buildup” laban sa ilang mga pulitiko sa Bicol region na umanoy nagmi-maintain ng mga private armed groups (PAGs).

Ito’y matapos makatanggap siya ng impormasyon ukol dito.

Hindi naman masabi ng PNP chief na private armed groups ng isang pulitiko ang pumatay kay Cong. Batocabe.

Pinatutukan naman ni Albayalde kay CIDG director C/Supt. Amador Corpus ang Batocabe slay-case.

Tiniyak ng PNP chief na kanilang hahabulin ang mga pulitikong matukoy na mayroong mini-maintain na PAGs at papanagutin ang mga ito.

Nilinaw naman nito ang pag-relieved sa pwesto sa chief of police ng Daraga, kasama ang provincial director ng Albay at ang hepe ng PSPG ay para bigyang daan ang ongoing investigation.

Nais din mabatid ni Albayalde ang dahilan kung bakit nais ipa- relieved ng PSPG head sa lugar ang security escort ni Rep. Batocabe ilang araw bago ang insidente.

Dalawang anggulo ang tinitignan ng PNP sa pamamaslang kay Batocabe.

Kasamang iniimbestigahan ng SITG-Batocabe ang nakitang dalawang bangkay sa lugar kung saan pinaslang ang mambabatas.

Samantala, hinihintay na lamang sa ngayon ng SITG-Batocabe ang paglabas ng search warrant laban sa mga indibidwal na kanilang tinukoy na mga persons of interest at nasa likod sa pamamaslang kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PRO-5 regional police director CSupt. Arnel Escobal sa sandaling lumabas ang search warrant malaking tulong ito sa imbestigasyon lalo na kung may mga armas silang marerekober.

Sa ngayon kulang pa ang mga ebidensiya ng PNP laban sa mga natukoy na persons of interest.

Gumagalaw na rin sa ngayon ang binuong SITG-Batocabe para matukoy kung sino ang mga salarin at kung may mastermind.

Aminado ang heneral na sila ay nababahala sa pagpaslang sa isang mambabatas kaya target nilang sa lalong madaling panahon ay maresolba na ang nasabing kaso.