May mga gagawing adjustment pa ang PNP sa nalalapit na kapiyestahan ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Manila Police District (MPD) chief Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, nakita nila ang ilang mga maaaring pagbabagong gagawin sa isinagawang walkthrough ng ruta ng parada ng Itim na Nazareno.
Ginagawa nila ang nasabing walkthrough para matiyak na magiging ligtas ang mga dadaanan ng prusisyon.
Ilan sa mga nakita nito ay mga ginagawang kalsada sa bahagi ng Fraternal Street na siyang magdudulot ng panganib sa mga deboto lalo na at sila ay nakayapak lamang.
Pag-aaralan pa nilang mabuti ang nasabing mga nakita nilang pagkukulangan.
Magugunitang ilang milyong deboto ang taunang lumalahok sa kapiyestahan ng Itim na Nazareno na ginagawa tuwing Enero 9.