-- Advertisements --
Vice Mayor Charlie R. Yuson III
Ticao Island, Masbate Vice Mayor Charlie R. Yuson III (FB photo)

LEGAZPI CITY – (Update) Buhos ngayon ang pagdadalamhati at pagkondena ng pamilya, malalapit na kaibigan, empleyado ng munisipyo at ilan pang nakakakilala kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa sinapit nito.

Tinambangan mag-aalas-9:00 nitong Miyerkules ng umaga ang bise alkalde habang nag-aalmusal sa Sampaloc, Maynila habang sugatan rin ang dalawang kasama nitong kinilalang sina Wilfredo Pineda, 44-anyos at Alberto Alforte, 23-anyos

Sa pamamagitan ng social media account ng lokal na pamahalaan, nagpaabot ng pakikiramay sa naiwang pamilya ng opisyal ang mga tagasuporta.

Tumakbo ang mag-amang Yuson noong May 2019 elections kung saan naihalal bilang vice mayor ang nakatatandang Yuson habang ang anak nitong si Mayor Charmax Jan ang kasalukuyang alkalde ng bayan.

Samantala sa isang panayam, inihayag ni Manila Police District director PGen. Vicente Danao na patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Kabilang aniya sa tinitingnang anggulo at motibo sa krimen ang personal grudge, negosyo o pagkasangkot sa anumang iregularidad.

Kung babalikan, Pebrero 13 ng taong kasalukuyan nang magsagawa ng raid ang PNP-CIDG sa resort at bahay ng mga Yuson matapos makatanggap ng report ang pulisya hinggil sa umano’y private armed group ng mga ito.

Nakumpiska rin ang ilang matataas na kalibre ng armas kaugnay ng naturang raid.