-- Advertisements --

Tiniyak ng ASEAN security na nakalatag na ang kanilang contingency plans sa mga raliyesta na magsasagawa ng kilos protesta sa panahon ng summit sa susunod na linggo.

Ayon kay ASEAN Security Task Force Operations Officer Csupt. Noel Baraceros na inaasahan na rin nila na magsasagawa ng kilos protesta ang mga militanteng grupo.

Nitong magkasunod na araw ay nagtangkang makalapit ang mga nagpoprotesta sa US Embassy sa Maynila.

Bilang bahagi ng security ng PNP naka-preposition na ang mga mobile CDM na siyang tututok sa mga raliyesta na magtatangkang pumasok sa mga lugar na ipinagbabawal.

Sinabi ni Baraceros na papayagan din nila ang mga militanteng grupo na mag-rally kapag may mga permit ang mga ito.

Mahigpit ang paalala ng PNP sa mga miyembro ng Crowd Dispersal Management (CDM) team ang maximum tolerance.

Inihayag ni Baraceros na ayaw nila magkagirian ang mga pulis at raliyesta ng sa gayon walang masaktan.

Siniguro naman ng mga otoridad na nakahanda sila sa anumang mga insidente.

Giit nito sapat ang kanilang pwersa para tugunan ang mga ito.

May mga reinforcement din na ipinadala mula sa tatlong rehiyon na magbibigay ayuda sa mga tropa sa Metro Manila.

Nakaalerto rin ang buong hanay ng PNP at AFP maging ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan.