-- Advertisements --

Mayroon na umanong lead na sinusundan ang La Union-Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagpatay kay dating 2nd District Rep. Eufranio Eriguel.

Ayon kay C/Insp. Alfredo Padilla, officer-in-charge ng Agoo, La Union Police Station, bagama’t ongoing pa rin ang imbestigasyon ay mayroon nang lead ang PNP kaugnay sa pagpaslang.

Ngunit tumanggi munang ihayag ni Padilla sa media kung ano ang nasabing lead dahil baka makaapekto ito sa imbestigasyon.

Una nang sinabi ng PNP na isa sa motibo na kanilang tinitignan ay politika dahil binaril ang dating mambabatas habang nagsasalita sa isang meeting de avance sa Barangay Capas.

Inihayag naman ni Padilla na batay sa kanilang assessment, mapayapa pa rin ang halalan sa lugar dahil magkakamag-anak lamang ang magkakatunggali.

Ang pagpatay kay Eriguel ay kauna-unahang insidente ng election related violence incident na naitala sa lugar.

Nabatid na taong 2016, pinagtangkaan na rin ang buhay ng dating mambabatas pero ito ay nakaligtaas.