-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipinangako ng bagong regional director ng Police Regional Office Cordillera na aalisin niya ang “stigma” ng madugo at marahas tuwing eleksiyon sa Abra.

Ayon kay C/Supt. Israel Ephraim Dickson, babaguhin niya ang imahe ng nasabing lalawigan.

Una rito, idineklara ng Commission on Elections (Comelec) ang buong lalawigan ng Abra bilang isa sa mga category red election hot spots sa darating na midterm elections.

Ipinaliwanag ng ahensya na pinagbasehan nila ang mga election-related incidents sa mga nasabing lugar sa nakalipas na dalawang halalan.

Sinabi naman ni Dickson, sa pamamagitan ng nasabing hakbang ay magiging ligtas at payapa ang buong Abra sa kasagsagan ng midterm polls.

Napag-alaman na si Dickson ay tubong Abra kung saan sinabi niya na sa ilalim ng kanyang liderato ay itutuloy ng Cordillera PNP ang mahigpit na pagsuporta sa iba’t ibang kampanya ng administrasyon.

Umaasa naman ang ilang mga politiko na magiging maayos ang eleksiyon sa kanilang probinsiya dahil sa pag-upo ni Dickson.

Ipinasigurado pa ang suporta ng mga Abreños sa mga kampanya ng pulisya para masiguro ang ligtas na eleksiyon sa darating na Mayo.

Maibibigay aniya kay Dickson ang lahat ng suporta na kinakailangan lalo na ang mga politiko ng Abra para maipakita sa buong bansa na “politically-mature” ngayon ang kanilang lalawigan.

Ipinagmamalaki naman ng opisyal na mula nang nagsimula ang pangangampanya ng mga national candidates ay wala pang naitatala ang Abra ng karahasan na may koneksiyon sa midterm elections.