Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na ginagawa nito ang lahat upang masagot ang lahat ng mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, matapos sabihin ng International Criminal Court (ICC) na kanila ng sisimulan ang imbestigasyon nito hinggil sa war on drugs ng gobyerno.
Inihayag ni Eleazar na kabilang sa mga hakbang na matagal nang ginagawa ng PNP ay ang motu propio investigation na pinangungunahan ng Internal Affairs Service (IAS).
Ginagawa ang nasabing hakbang sa tuwing magsusumite ang mga ground commanders ng kanilang after-operation report lalo na kung may mga nasasawi o nasusugatan sa kanilang anti-illegal drug operations.
Patunay ang pagiging bukas ng PNP nang isumite nila sa Department of Justice (DOJ) ang may 53 case folders para pag-aralang maigi ang nasabing mga kaso.
Dagdag pa ng PNP Chief, napatunayan at patuloy pa nilang patutunuayan sa mga Pilipino na hindi nila kinukonsinte o pinagtatakpan ang lahat ng kabulastugan ng kanilang mga kabaro.
Binigyang diin pa ni Eleazar na nais na nilang matapos ang lahat ng pagdududa gayundin ang mga paratang dahil nadadamay aniya ang buong organisasyon.