-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City na may legal na obligasyon ang Philippine National Police (PNP) na makipagtulungan sa Interpol kung maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga kapwa akusado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kabilang na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Sinabi ni Zamora na nananatiling epektibo ang mga pandaigdigang legal na obligasyon ng Pilipinas kahit pa umalis na bansa sa Rome Statute noong 2019.

Pinabulaanan din ni Zamora ang argumento na ang pagtulong sa pagpapatupad ng warrant mula sa ICC ay nangangahulugan ng pagsuko ng soberanya ng Pilipinas.

Hinimok niya ang PNP at iba pang law enforcement agencies na gampanan ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan o panghihimasok sa pulitika.

Nagbabala rin siya laban sa anumang pagtatangka na gawing isyu sa pulitika ang proseso sa ICC upang pagtakpan ang pananagutan ng mga akusado.

Ipinaalala rin ni Zamora na nananatiling may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimeng isinampa bago pa umatras ang Pilipinas sa kasunduan.

Dagdag pa niya, ang pagiging bahagi ng Pilipinas sa Interpol ay nangangahulugan ng patuloy na pagsunod sa mga mekanismong legal sa pandaigdigang antas.

Nanawagan din si Zamora sa mga kaalyado ni Duterte na huwag gamitin ang pulitika upang iwasan ang legal na pagsisiyasat, bagkus ay igalang ang due process.