Handang tumalima si Manila Police District (MPD) District Director Police Brig. General Vicente Danao Jr na ipatupad ang kautusan ng Ombudsman na tuluyang sibakin ang isa sa mga tauhan nito.
Ayon kay Danao, masasabing dumaan sa tamang proseso ang ginawang desisyon ng Ombudsman laban kay Police Staff Sgt. Gerry Genalope dahil sa kasong grave misconduct.
Napatunayan kasing sangkot ito sa pagpatay sa isang 23-anyos na epileptic habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation sa Tondo, Manila noong 2017.
Naniniwala rin si Danao na patas ang naging desisyon ng Ombdusman laban sa tauhan nito na maari namang umapela sa mga mas mataas na hukuman.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Danao ang mga tauhan nito at maging ang iba pang law enforcers na walang sino man ang mas nakatataas sa batas.
Dagdag pa ng opisyal na dapat aniyang maayos at maingat ang pagpapatupad sa batas.