Todo panawagan ng pakikiisa ang Philippine National Police (PNP) sa ating mga kababayan sa pagsisimula ng campaign period bukas, Pebrero 8.
Partikular dito ang tatakbo sa national positions kabilang sa pagka-presidente, bise presidente, senador at mga kinatawan ng party-list groups.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sinabi nitong inaasahan na raw kasi ang pagbuhos ng mga kababayan natin sa mga isasagawang campaign rallies maging ng iba’t ibang caravan.
Sa ngayon, tuloy-tuloy na aniya ang pakikipag-ugnayan ng mga commander ng PNP sa Commission on Elections representatives sa mga lokalidad para sa pagsisimula ng kampanyahan bukas.
Ayon pa kay Fajardo, may direktiba na si PNP chief General Dionardo Carlos na mahigpit na i-monitor ng PNP ang kanilang hurisdiksiyon sa pagsisimula ng campaign period.
Dagdag ng PNP spokesperson, asahan na rin ang pagbuhos ng mga tao at mga campaign sorties sa oras na pumasok na ang araw ng kampanya.
Handa naman daw sa ano mang oras ang PNP na mag-deploy ng kanilang mga tauhan sa mga lugar na pupuntahan ng mga kandidato.
Mahigpit pa rin namang ipatutupad ang mga minimum health protocols sa mga lugar na pagdarausan ng kampanya.