-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Labis ang paghihinagpis na nararamdaman sa ngayon ng kaanak ng 13-anyos na dalagita na natagpuan na lamang na nakadapa, walang saplot pang-ibaba at wala naring buhay sa gilid ng sapa sa Barangay Union, Nabas, Aklan.

Kasunod ito sa lumabas na inisyal na resulta ng autopsy na ginawa sa labi ng biktima na may nakitang laceration sa ari nito, may consistent sexual abuse at ang kinamatay ng dalagita ay ang sugat sa kaniyang ulo partikular sa may kaliwang tainga na mistulang hinampas ng matigas na bagay.

Ayon kay P/Maj. Jose Mark Gesulga, hepe ng Nabas Municipal Police Station na may tatlong person of interest silang kinuhaan ng mga statement at sa oras na makilala ang suspek sa likod ng krimen ay kaagad na sasampahan ng kaukulang kaso.

Nagpapatuloy aniya ang back tracking nila sa mga cctv footage na posibleng nahagip ang biktima dahil sa pinangyarihan ng krimen ay walang malapit na naka-install na cctv camera at madilim sa nasabing lugar.

Dagdag pa ni P/Maj. Gesulga, nasa 30-40 porsyento pa lamang ang mga ito sa kanilang imbestigasyon at kinoconsolidate pa ang mga statement na nakuha sa pamilya, kaibigan at sa mga witness matapos na hindi pa rin nakita ang cellphone na dala ng biktima bago nangyari ang insidente.

Samantala, nananawagan ang pulisya sa mga kabataan na maging responsable sa kanilang mga sarili gayundin sa mga magulang nito na suriin ang mga pinupuntahan at ang mga ginagawa ng kanilang mga anak at kaagad na hanapin sakaling hindi makauwi kaagad sa kanilang pamamahay.

Umapela rin si P/Maj. Gesulga sa mga indibidwal na may nalalaman sa insidente na pumunta lamang sa kanilang tanggapan para sa kalutasan ng nasabing kaso.