-- Advertisements --

May sinusundan na umanong magandang lead ngayon ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng kambal na pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong Linggo.

Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, ongoing pa rin sa ngayon ang imbestigasyon laban sa mga suspeks sa pagsabog kabilang na ang mga indibidwal na nahagip sa CCTV footage.

Sa ngayon, nasa proseso na ang mga imbestigador sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga ito.

Kapwa inamin na rin ng AFP at PNP na nagkaroon ng security lapses kaya nangyari ang pagsabog.

Sinabi ni Banac, kanila ng nire-review ang security protocols upang mabatid kung bakit nalusutan ang mga government forces kahit mahigpit ang seguridad na ipinatupad sa probinsiya.

Tiyak naman ang PNP na planado ang pagsabog sa Jolo cathedral.

Sa inisyal na impormasyon naman na nakuha ng PNP, ammonium fuel o Anfo ang ginamit na improvised explosive device ng mga suspeks sa pagsabog sa katedral.