KORONADAL CITY – May sinusundan na umanong grupo ang Lambayong-Philippine National Police (PNP) kaugnay sa tangkang pagpapasabog ng isang bomba sa Barangay Tinumigues sa naturang bayan.
Ito’y matapos napigilan ang pambobomba sana sa kanilang area of responsibility matapos nakita ng mga kasapi ng 2nd Mechanized Infantry Battalion ang dalawang lalaki na nag-iwan ng isang sako may lamang 81mm mortar.
Tinangka pa silang habulin ng mga otoridad ngunit nakita nila ang bomba na posibleng sumabog anumang oras.
Dahil dito ay kaagad umaksyon ang Explosive Ordinance Division team na siya namang nag-defuse sa bomba.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Lt. Gino Fegarido, hepe ng Lambayong-PNP, ibinunyag nitong isang linggo bago ito nangyari ay may natanggap silang intelligence report na may ipapasok daw na improvised explosive device sa kanilang bayan.
Dahil dito, mas pinaigting pa ng Lambayong-PNP ang kanilang seguridad.
Umaapela naman ito sa mga mamamayan na makipag-ugnayan sa mga otoridad upang matingnan ang mga kaduda-dudang mga bagay o tao sa kanilang nasasakupan.