Halos 5,000 pulis nationwide ang makikiisa rin sa pangalawang araw ng local absentee voting na itinakda bukas, April 30.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde, nasa 4,981 tauhan nila mula sa iba’t ibang rehiyon kabilang na ang 163 personnel ang boboto sa Camp Crame na magsisimula ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Hinikayat naman ni Albayalde ang nasa 190,000 pang PNP personnel na bumoto sa darating na May 13 elections kasabay ng muling paalala na iwasan ang partisan political activity.
Ang pagboto ang tanging political exercise na puwedeng gawin ng mga pulis.
Kailangan lamang iwan sa labas ng polling centers ang baril at bawal din magbitbit ng mga security escorts ang mga politiko na boboto sa araw ng halalan.
Nabatid na ngayong araw ang simula ng local absentee voting para sa mga registered voters partikular mula sa military, police, civil service at media, na hindi makakaboto sa kani-kanilang voting precincts dahil sa trabaho sa mismong May 13 midterm polls.
Tatagal ito hanggang sa Miyerkules, May 1 kasabay ng Labor Day.