Muling pinaaalalahan ng PNP ang kanilang mga tauhan na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-iinum sa mga pampublikong lugar.
Pagkakasibak sa serbisyo ang magiging kapalit sa sinumanng mga pulis na mapatutunayang sa mga beerhouse nag iinuman.
Ito’y matapos maaresto ng Counter Intellegence Task Force (CITF) ang dalawang Pulis na nahuli sa aktong nag-iinuman sa labas ng Kampo Crame.
Ayon kay PNP Spokesman SSupt. Bernard Banac, dapat isaisip ng mga pulis na sila’y huwaran ng disiplina at propesyunalismo na magpapa-angat sa kanilang imahe at hindi para sirain ito.
Magugunitang inaresto sina SPO1 Franklin Nariz na nakatalaga sa PNP Maritime Group at PO3 Tristan Callao na nakatalaga naman sa HSS o Headquarters Support Service sa isang kainan sa panulukan ng Main Avenue at 3rd Avenue sa Quezon City.
Batay sa inilabas na direktiba ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde, pagkasibak sa serbisyo ang agad na ipapataw sa sinumang Pulis na mahuhuling sumusuway sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Umapela naman si CITF Spokesman Supt. Renante Lambojo sa publiko na tulungan silang bantayan ang mga Pulis na mag-iinom sa pampublikong lugar sa pamamagitan ng pagkuha ng video at ipadala sa kanilang facebook account.