-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanawagan na ang Oas Municipal Police Station sa publiko na maging responsable at ‘wag basta-bastang maniniwala sa mga kumakalat na balita sa social media.

Ito’y matapos na makumpirma na walang katotohanan ang mga lumutang na balitang may nangyaring kidnapping incident sa bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Major Karlo Dy, hepe ng Oas Municipal Police Station, sinabi nito na iniimbestigahan nila ang report na may isang puting van na umiikot sa bayan ang responsable sa pangingidnap sa lugar.

Subalit napag-alaman na pagmamay-ari ang sasakyan ng isang negosyante mula sa katabing barangay at normal lamang na ginagamit para sa negosyo.

Hinahanap na rin ngayon ng PNP ang nagpakalat ng fake news subalit na-deactivate na umano ang account nito.

Panawagan ng opisyal na ‘wag magpapakalat ng mga maling impormasyon lalo na kung nagdadala ng alarma sa publiko.