-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mayroong sapat na proteksiyon ang mga miyembro ng media, kasunod ng pagpaslang sa isang radio anchor sa Kidapawan City.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang pamunuan ng PNP sa pamilya ng biktima.

Ayon kay PNP spokesman Police Col. Bernard Banac, ikinalulungkot nila ang pinakabagong insidente ng pag-atake sa media.

Sinabi ni Banac, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon kaugnay sa insidente.

Sa ngayon, wala pang lead ang PNP sa mga posibleng suspek.

Ito na ang ikalawang sunod na pag-atake sa kagawad ng media matapos ang pamamaril sa himpilan ng Bombo Radyo sa Bula, General Santos noong nakaraang linggo.