Nag-isyu ang Philippine National Police (PNP) ng moratorium na nagpapaliban sa pagpapatupad ng polisiya sa pagtanggal ng tattoo sa mga police personnel.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, inatasan ni PNP chief Gen. Rommel Francsico Marbil ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na mag-isyu ng moratorium para bigyang-daan ang pag-aaral sa Memorandum Circular 2024-023 na nag-uutos sa mga uniformed at non-uniformed personnel ng pambansang pulisya na ipatanggal ang kanilang visible tattoos.
Nais din aniya ng PNP chief na ma-review muli ang polisiya bago ang ganap na pagpapatupad nito dahil sa health at medical issues na maaaring idulot ng pagtatanggal ng mga tattoo gayundin ang administrative sanctions na ipapataw sa mga mabibigong sumunod sa polisiya.
Ang hakbang na ito ng PNP chief ay para mapanatili ang disiplina sa hanay ng kapulisan, ang code of conduct, norms na kaiba mula sa ibang mga empleyado ng pamahalaan.
Sa ilalim din ng naturang memorandum, minamandato ang lahat ng pulis na may tattoo na magbigay ng written affidavit na nagdedeklarang natanggal na ang kanilang mga tattoo.
Hindi naman saklaw dito ang mga aesthetic tattoos gaya ng eyebrows, eyeliner o lip tattoo.