-- Advertisements --

Nagbabala ang PNP laban sa mga vacation scams ngayong Semana Santa, kung saan may mga nagpapanggap na nag-aalok ng murang staycation sa social media pero panloloko pala.

Ayon kay PCol. Jay Guillermo ng Anti-Cybercrime Group, kadalasang pinipilit ang biktima na agad magpadala ng bayad gamit ang alok na “last available room.” Payo niya, magbayad lang pag naka-check-in na at siguraduhing lehitimo ang kausap sa pamamagitan ng pag-check sa opisyal na contact number ng accommodation.

Dagdag pa niya, mas ligtas kung sa mga kilala at verified booking platforms makipagtransaksyon upang makaiwas sa panloloko. Pinayuhan din ang publiko na huwag basta-basta magbigay ng personal o financial information online.

Samantala, mahigit 65,000 pulis ang naka-deploy sa buong bansa para tiyakin ang kaligtasan sa Semana Santa. Ayon kay PCol. Randulf Tuano, mula April 14–20 ay dinagdagan ang puwersa, lalo na sa terminals, paliparan, pantalan, simbahan, at mga tourist destinations.

Hinikayat ng PNP ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o sa kanilang hotlines ang anumang kahina-hinalang transaksyon o insidente para agad na maaksyunan. (Report by Bombo Jai)