Nagbabala si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar laban sa mga indibidwal at grupong nagsagawa ng kilos protesta kontra bakuna na hayagang sinusuway ang health protocols at kanilang inilalagay sa alanganin ang kaligtasan ng publiko laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Iginiit ni PGen Eleazar na iginagalang naman ng PNP ang paniniwala ng ilang indibiduwal at grupong hindi naniniwala sa COVID-19 at sa pagbabakuna pero dapat matutunan at igalang nila ang paniniwala ng mas nakararami na sumusunod sa minimum public health safety at iba pang patakaran para masiguro ang kanilang proteksyon mula sa nakamamatay na virus.
“Holding protest actions to insist on what you believe in does not make it right. It is but plain and simple acts of defiance and irresponsibility because you are putting our personnel and other civilian population at risk of being infected,” pahayag ni Gen. Eleazar.
Kamakailan lang, nagsagawa ng kilos protesta ang grupong Gising Maharlika sa Liwasang Bonifacio sa Maynila para tutulan ang programang pagbabakuna ng Pamahalaan kung saan, karamihan sa kanila ay hindi nakasuot ng facemask dahil sa hindi nila paniniwala sa coronavirus.
“Ipinakita ng inyong kapulisan ang maximum tolerance at pagrespeto sa inyong paniniwala nang magsagawa kayo ng kilos-protesta na walang suot na proteksyon, binabalaan ko kayo na maaring hindi na kayo pagbigyan kapag inulit pa ninyo ang pambabastos sa paniniwala ng karamihan nating kababayan at pambabastos ninyo sa mga patakaran ng public health,” dagdag pa ni Eleazar.
Sa ngayon, mahigpit na binabantayan ng PNP kung may iba pang grupo o indibiduwal na gagawa ng kahalintulad na pagkilos kaya’t inatasan na niya ang lokal na pulisya na tutukan at laging tingnan ang sitwasyon.
Nagpapatuloy ang programang pagbabakuna ng gubyerno dahil sa patuloy na pagdating ng mga bakuna sa bansa sa layuning pataasin ang vaccination rate ng 90% para ganap nang makamit ang herd immunity sa susunod na taon.