ROXAS CITY – Muling nagbabala ang Capiz Police Provincial Office (CPPO) sa publiko sa pagpasok sa anumang investment scheme upang makaiwas sa pangloloko at makunan ng malaking halaga ng pera.
Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng Capiz PPO na si P/EMSgt. Donna Asmod sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.
Ayon kay Asmod, dapat ay hindi nagpapadalos-dalos ang isang indibidwal sa pagpasok sa isang investment scheme lalo pa kung hindi na-validate ang identity ng recruiter at ang kumpaniyang nirerepresenta nito.
Kung may ganitong mga insidente ayon kay Asmod, kaagad na mag-report sa pulisya upang maberipika kung rehistrado ang investment scheme sa Securities and Exchange Commission.
Samantala, ayon naman kay Mario Ramos, isang kilalang negosyante sa lalawigan ng Capiz na ang pagkamausisa ang nagtulak sa kaniya upang pumasok sa KAPA Community Ministry International Inc. o Kabus Padatoon.
Inihayag nito na sa kabila ng iba’t-ibang kontrobersiya na binabato sa naturang grupo ay mas nangingibaw ang kaniyang curiosity at pagnanais na makakuha ng malaking halaga ng pera mula sa kaniyang ibinigay na donasyon.
Inihayag nito na personal siyang pumunta sa KAPA Iloilo-Pavia Branch at nakaharap mismo nito ang officer-in-charge na si Isagani Capitle.
Nabatid na tatlong linggo pa lamang ang nakaraan mula nang nagbigay ng kaniyang donasyon si Ramos at umaasa itong malaki ang kaniyang makukuhang love gift.